FLORANTE AT LAURA
(Isang Awit)

ni: Francisco "Balagtas" Baltazar

Kabanata 6 - Ang Dalawang Ama

FLORANTE AT LAURA
Awit ni: Francisco “Balagtas” Baltazar

Kabanata 6 – Ang Dalawang Ama

84
Gerero'y namangha nang ito'y marinig,
pinagbaling-baling sa gubat ang titig;
nang walang makita'y hinintay umulit,
di man nalao'y nagbangong humibik.

85
Ang bayaning Moro'y lalo nang namaang,
"Sinong nanaghoy sa ganitong ilang?"
lumapit sa dakong pinanggagalingan
ng buntunghininga't pinakimatyagan.

86
Inabutan niya'y ang ganitong hibik:
"Ay, mapagkandiling amang iniibig!
bakit ang buhay mo'y naunang napatid,
ako'y inulila sa gitna ng sakit?

87
"Kung sa gunita ko'y pagkuru-kuruin
ang pagkahulog mo sa kamay ng taksil,
parang nakikita ang iyong narating...
parusang marahas na kalagim-lagim.

88
"At alin ang hirap na di ikakapit
sa iyo ng Konde Adolfong malupit?
ikaw ang salamin - sa Reyno - ng bait,
pagbubuntunan ka ng malaking galit.

89
"Katawan mo ama'y parang namamalas
ngayon ng bunso mong lugami sa hirap;
pinipisan-pisan at iwinawalat
ng pawa ring lilo'y berdugo ng sukab.

90
"Ang nagkahiwalay na laman mo't buto,
kamay at katawang nalayo sa ulo,
ipinaghagisan niyong mga lilo
at walang maawang naglibing na tao.

91
"Sampu ng lingkod mo't mga kaibigan
kung kampi sa lilo'y iyong nang kaaway;
ang di nagsiayo'y natatakot namang
bangkay mo'y ibao't mapaparusahan.

92
"Hanggang dito ama'y aking naririnig,
nang ang iyong ulo'y itapat sa kalis;
ang panambitan mo't dalangin sa Langit,
na ako'y maligtas sa kukong malupit.

93
"Ninanasa mo pang ako'y matabunan
ng bangkay sa gitna ng pagpapatayan,
nang huwag mahulog sa panirang kamay
ng Konde Adolfong higit sa halimaw.

94
"Pananalangin mo'y di pa nagaganap,
sa liig mo'y biglang nahulog ang tabak;
nasnaw sa bibig mong huling pangungusap
ang Adiyos bunso't buhay mo'y lumipas.

95
"Ay, amang ama ko! kung nagunamgunam--
madla mong pag-irog at pagpapalayaw,
ipinapalaso ng kapighatian--
luha niring pusong sa mata'y nunukal.

96
"Walang ikalawang ama ka sa lupa
sa anak na kandong ng pag-aaruga;
ang munting hapis kong sumungaw sa mukha,
sa habag mo'y agad nanalong ang luha.

97
"Ang lahat ng tuwa'y natapos sa akin,
sampu niring buhay ay naging hilahil;
ama ko'y hindi na malaong hihintin
ako't sa payapang baya'y yayakapin."

98
Sandaling tumigil itong nananangis,
binigyang-panahon luha'y tumagistis
niyong naawang morong nakikinig...
sa habag ay halos magputok ang dibdib.

99
Tinutop ang puso at saka nagsaysay,
"Kailan," aniya, "luha ko'y bubukal
ng habag kay ama at panghihinayang
para ng panaghoy ng nananambitan?

100
"Sa sintang inagaw ang itinatangis,
dahilan ng aking luhang nagbabatis;
yao'y nananaghoy dahil sa pag-ibig
sa amang namatay na mapagtangkilik.

101
"Kung ang walang patid na ibinabaha
ng mga mata ko'y sa hinayang mula--
sa mga palayaw ni ama't aruga--
malaking palad ko't matamis na luha.

102
"Ngunit ang nanahang maralitang tubig...
sa mukha't dibdib kong laging dumidilig,
kay ama nga galing datapuwa't sa bangis,
hindi sa andukha at pagtatangkilik.

103
"Ang matatawag kong palayaw sa akin
ng ama ko'y itong ako'y pagliluhin,
agawan ng sinta't panasa-nasaing
lumubog sa dusa't buhay ko'y makitil.

104
"May para kong anak na napanganyaya,
ang layaw sa ama'y dusa't pawang luha?
hindi nakalasap kahit munting tuwa
sa masintang inang pagdaka'y nawala!"

105
Napahinto rito'y narinig na muli
ang pananambitan niyong nakatali,
na ang wika'y "Laurang aliw niring budhi,
paalam ang abang kandong ng pighati."

106
"Lumagi ka nawa sa kaligayahan,
sa harap ng di mo esposang katipan;
at huwag mong datnin yaring kinaratnan
ng kasing nilimot at pinagliluhan.

107
"Kung nagbangis ka ma't nagsukab sa akin,
mahal ka ring lubha dini sa panimdim
at kung mangyayari hanggang sa malibing,
ang mga buto ko, kita'y sisintahin."

Kabanata 5 ng Florante at Laura

Kabanata 5 - Ang Pagdating ng Gerero

FLORANTE AT LAURA
Awit ni: Francisco “Balagtas” Baltazar

Kabanata 5 – Ang Pagdating ng Gerero

69
Nagkataong siyang pagdating sa gubat
ng isang gererong bayani ang tikas,
putong na turbante ay kalingas-lingas
pananamit moro sa Persyang siyudad.

70
Pinigil ang lakad at nagtanaw-tanaw,
anaki'y ninitang pagpapahingahan,
di kaginsa-ginsa'y ipinagtapunan
ang pika't adarga't nagdaop ng kamay.

71
Saka tumingala't mata'y itinirik
sa bubong ng kahoy na takip sa Langit,
istatuwa manding nakatayo'y umid,
ang buntunghininga niya'y walang patid.

72
Nang magdamdam-ngawit sa pagayong anyo,
sa puno ng isang kahoy ay umupo,
nagwikang "O palad!" sabay ang pagtulo
sa mata ng luhang anaki'y palaso.

73
Ulo'y ipinatong sa kaliwang kamay
at saka tinutop ang noo ng kanan;
isang mayroong ginugunamgunam--
isang mahalagang nalimutang bagay.

74
Malao'y humilig, nagwalang-bahala,
di rin kumakati ang batis ng luha;
sa madlang himutok ay kasalamuha
ang wikang: "Flerida'y tapos na ang tuwa!"

75
Sa balang sandali ay sinasabugan
yaong buong gubat ng maraming "Ay! Ay!"
na nakikitono sa huning mapanglaw
ng panggabing ibong doo'y nagtatahan.

76
Pamaya-maya'y nabangong nagulat,
tinangnan ang pika't sampu ng kalasag;
nalimbag sa mukha ang bangis ng furias--
"Di ko itutulot!" ang ipinahayag.

77
"At kung kay Flerida'y iba ang umagaw
at di ang ama kong dapat na igalang,
hindi ko masabi kung ang pikang tangan--
bubuga ng libo't laksang kamatayan!

78
"Bababa si Marte mula sa itaas
at kailalima'y aahon ang Parcas;
buong galit nila ay ibubulalas,
yayakagin niring kamay kong marahas!

79
"Sa kuko ng lilo'y aking aagawin
ang kabiyak niring kaluluwang angkin;
liban na kay ama, ang sinuma't alin
ay di igagalang ng tangang patalim.

80
"O, pagsintang labis ng kapangyarihan,
sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;
pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamaking lahat masunod ka lamang!

81
"At yuyurakan na ang lalong dakila--
bait, katuwira'y ipanganganyaya;
buong katungkula'y wawal-ing-bahala,
sampu ng hininga'y ipauubaya.

82
"Itong kinaratnan ng palad ko linsil
salaming malinaw na sukat mahalin
ng makatatatap, nang hindi sapitin
ang kahirapan kong di makayang bathin."

83
Sa mawika ito luha'y pinaagos,
pika'y isinaksak saka naghimutok;
nagkataon namang parang isinagot
ang buntunghininga niyaong nagagapos.

• Kabanata 4 ng Florante at Laura

Kabanata 4 - Pag-alala sa Nakaraan

FLORANTE AT LAURA
Awit ni: Francisco “Balagtas” Baltazar

Kabanata 4 - Pag-alala sa Nakaraan

41
"Katiwala ako't ang iyong kariktan,
kapilas ng langit anaki'y matibay;
tapat ang puso mo't di nagunamgunam
na ang paglililo'y nasa kagandahan.

42
"Hindi ko akalaing iyong sasayangin
maraming luha mong ginugol sa akin;
taguring madalas na ako ang giliw,
mukha ko ang lunas sa madlang hilahil.

43
"Di kung ako'y utusang manggubat
ng hari mong ama sa alinmang Ciudad,
kung ginagawa mo ang aking sagisag,
dalawa mong mata'y nanalong ng perlas?

44
"Ang aking plumahe kung itinatahi
ang parang korales na iyong daliri,
buntunghininga mo'y nakikiugali
sa kilos ng gintong ipinananahi.

45
"Makailan Laurang sa aki'y iabot,
basa pa ng luha bandang isusuot;
ibinibigay mo ay naghihimutok,
takot masugatan sa pakikihamok.

46
"Baluti't koleto'y di mo papayagang
madampi't malapat sa aking katawan,
kundi tingnan muna't baka may kalawang
ay nanganganib kang damit ko'y marumhan.

47
"Sinisiyasat mo ang tibay at kintab
na kung sayaran man ng taga'y dumulas;
at kung malayo mang iyong minamalas,
sa gitna ng hukbo'y makilala agad.

48
"Pahihiyasan mo ang aking turbante
ng perlas, topasyo't maningning na rubi;
bukod ang magalaw na batong d'yamante,
puno ng ngalan mong isang letrang L.

49
"Hanggang ako'y wala't nakikipaghamok,
nag-aapuhap ka ng pang-aliw-loob;
manalo man ako'y kung bagong nanasok,
nakikita mo na'y may dala pang takot.

50
"Buong panganib mo'y baka nagkasugat,
di maniniwala kung di masiyasat;
at kung magkagurlis nang munti sa balat,
hinuhugasan mo ng luhang nanatak.

51
"Kung ako'y mayroong kahapisang munti,
tatanungin mo na kung ano ang sanhi;
hanggang di malining ay idinarampi
sa mga mukha ko ang rubi mong labi.

52
"Hindi ka tutugot kung di matalastas,
kakapitan mo nang mabigyan ng lunas;
dadalhin sa hardi't doon ihahanap
ng ikaaaliw sa mga bulaklak.

53
"Iyong pipitasin ang lalong marikit,
dini sa liig ko'y kusang isasabit;
tuhog na bulaklak sadyang salit-salit,
pag-uupandin mong lumbay ko'y mapaknit.

54
"At kung ang hapis ko'y hindi masawata,
sa pilikmata mo'y dadaloy ang luha;
napasaan ngayon ang gayong aruga,
sa dala kong sakit ay di iapula?

55
"Halina, Laura ko't aking kailangan
ngayon, ang lingap mo nang naunang araw;
ngayon hinihingi ang iyong pagdamay--
ang abang sinta mo'y nasa kamatayan.

56
"At ngayong malaki ang aking dalita
ay di humahanap ng maraming luha;
sukat ang kapatak na makaapula,
kung sa may pagsintang puso mo'y magmula.

57
"Katawan ko ngayo'y siyasatin, ibig,
tingnan ang sugat kong di gawa ng kalis;
hugasan ang dugong nanalong sa gitgit
sa kamay ko, paa't natataling liig.

58
"Halina, irog ko't ang damit ko'y tingnan,
ang hindi mo ibig dumamping kalawang:
kalagin ang lubid at iyong bihisan,
matinding dusa ko'y nang gumaan-gaan.

59
"Ang mga mata mo ay iyong ititig
dini sa anyo kong sadlakan ang sakit,
upang di mapigil ang takbong mabilis
niring abang buhay sa ikapapatid.

60
"Wala na Laura't ikaw na nga lamang
ang makalulunas niring kahirapan;
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako'y muling mabubuhay!

61
"Nguni, sa aba ko! Ay, sa laking hirap!
wala na si Laurang laging tinatawag!
napalayu-layo't di na lumiliyag,
ipinagkanulo ang sinta kong tapat.

62
"Sa abang kandunga'y ipinagbiyaya
ang pusong akin na at ako'y dinaya;
buong pag-ibig ko'y ipinanganyaya,
nilimot ang sinta'y sinayang ang luha.

63
"Alin pa ang hirap na di sa akin
may kamatayan pang di ko daramdamin?
ulila sa ama't inang nag-angkin,
walang kaibiga't nilimot ng giliw.

64
"Dusa sa puri kong kusang siniphayo,
palasong may lasong natirik sa puso;
habag sa ama ko'y tunod na tumimo,
ako'y sinusunog niring panibugho.

65
"Ito'y siyang una sa lahat ng hirap,
pagdaya ni Laura ang kumakamandag;
dini sa buhay ko'y siyang magsasadlak
sa libingang laan ng masamang palad.

66
"O, Konde Adolfo, inilapat mo man
sa akin ang hirap ng sansinubukan,
ang kabangisan mo'y pinasasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung di inagaw."

67
Dito naghimutok nang kasindak-sindak
na umalingawngaw sa loob ng gubat;
tinangay ang diwa't karamadamang hawak
ng buntunghininga't luhang lumagaslas.

68
Sa puno ng kahoy na napayukayok;
ang ibig ay supil ng lubid na gapos;
bangkay na mistula't ang kulay ng burok
ng kanyang mukha'y naging puting lubos.

Kabanata 3 ng Florante at Laura

Kabanata 3 - Panibugho at Pagmamahal

FLORANTE AT LAURA
Awit ni: Francisco “Balagtas” Baltazar

Kabanata 3 – Panibugho at Pagmamahal

26
"Kung siya mong ibig na ako'y magdusa,
Langit na mataas, aking mababata;
isagi mo lamang sa puso ni Laura--
ako'y minsan-minsang mapag-alaala."

27
"At dito sa laot ng dusa't hinagpis,
malawak na lubhang aking tinawid,
gunita ni Laura sa naabang ibig,
siya ko na lamang ligaya sa dibidib.

28
"Munting gunamgunam ng sinta ko't mutya
nang dahil sa aki'y dakila kong tuwa;
higit na malaking hirap at dalita,
parusa ng taong lilo't walang awa.

29
"Sa pagkagapos ko'y kung gunigunihin,
malamig nang bangkay akong nahihimbing;
na tinatagisan ng sula ko't giliw,
ang pagkabuhay ko'y walang hangga mandin.

30
"Kung apuhapin ko sa sariling isip,
ang suyuan namin ng pili kong ibig;
ang pagluha niya kung ako'y may hapis,
nagiging ligaya yaring madlang sakit.

31
"Nguni, sa aba ko! sawing kapalaran!
ano pang halaga ng gayong suyuan ...
kung ang sing-ibig ko'y sa katahimikan
ay humuhilig na sa ibang kandungan?

32
"Sa sinapupunan ni Konde Adolfo,
aking natatanaw si Laurang sinta ko;
kamataya'y nahan ang dating bangis mo,
nang di ko damdamin ang hirap na ito?"

33
Dito hinimatay sa paghihinagpis,
sumuko ang puso sa dahas ng sakit;
ulo'y nalungayngay, luha'y bumalisbis,
kinagagapusang kahoy ay nadilig.

34
Magmula sa yapak hanggang sa ulunan,
nalimbag ang bangis ng kapighatian;
at ang panibugho'y gumamit ng asal
na lalong marahas, lilong kamatayan.

35
Ang kahima't sinong hindi maramdamin,
kung ito'y makita magmamahabagin;
matipid na luha ay paaagusin,
ang nagparusa ma'y pilit hahapisin.

36
Sukay na ang tingnan ang lugaming anyo
nitong sa dalita'y hindi makakibo,
aakayin biglang umiyak ang puso,
kung wala nang luhang sa mata'y itulo.

37
Gaano ang awang bubugso sa dibdib
ng may karamdamang maanyong tumitig,
kung ang panambita't daing ay marinig
nang mahimasmasan ang tipon ng sakit?

38
Halos buong gubat ay nasasabugan
ng dinaing-daing lubhang malumbay,
na inuulit pa at isinisigaw
sagot sa malayo niyong alingawngaw.

39
"Ay! Laurang poo'y bakit isinuyo
sa iba ang sintang sa aki'y pangako;
at pinagliluhan ang tapat na puso,
pinaggugulan mo ng luhang tumulo?

40
"Di sinumpaan mo sa harap ng Langit
na di maglililo sa aking pag-ibig?
ipinabigay ko naman yaring dibdib,
wala sa gunita itong masasapit!

• Kabanata 2 ng Florante at Laura

Kabanata 2 - Ang Mapait na Sinapit

FLORANTE AT LAURA
Awit ni: Francisco “Balagtas” Baltazar

Kabanata 2 – Ang Mapait na Sinapit

11
Dangan doo'y walang Oreadas Nimfas,
gubat ng Palasyo ng masidhing Harpias,
nangaawa disi't naakay lumiyag
sa himalang tipon ng karikta'y hirap.

12
Ang abang uyamin ng dalita't sakit-
ang dalawang mata'y bukal ang kaparis;
sa luhang nanakit at tinangis-tangis,
ganito'y damdamin ng may awang dibdib.

13
"Mahiganting langit! bangis mo'y nasaan?
ngayo'y naniniig sa pagkagulaylay;
bago'y ang bandila ng lalong kasam-an
sa Reynong Albania'y iwinawagayway.

14
"Sa loob at labas ng bayan ko sawi,
kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami,
ininis sa hukay ng dusa't pighati.

15
"Ang magandang asal ay ipinupukol
sa laot ng dagat na kutya't linggatong;
balang magagaling ay ibinabaon
at inililibing na walang kabaong.

16
"Nguni ay ang lilo't masasamang-loob
sa trono ng puri ay iniluluklok;
at sa balang sukab na may asal-hayop,
mabangong insenso ang isinusuob.

17
"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi't nakayuko;
santong katuwira'y lugami at hapo,
ang luha na lamang ang pinatutulo.

18
"At ang balang bibig na binubukalan
ng sabing magaling at katotohanan,
agad binibiyak at sinisikangan
ng kalis ng lalong dustang kamatayan.

19
"O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!

20
"Sa korona dahil ng Haring Linceo
at sa kayamanan ng Dukeng Ama ko,
ang ipinangangahas ng Konde Adolfo
sabugan ng sama ang Albanyang Reyno.

21
"Ang lahat ng ito'y maawaing Langit,
Iyong tinutungha'y ano't natitiis?
mula Ka ng buong katuwira't bait,
pinapayagan Mong ilubog ng lupit.

22
"Makapangyarihang kanan Mo'y ikilos,
papamilantikan ang kalis ng poot;
sa Reynong Albanya'y kusang ibulusok
ang Iyong higanti sa masamang-loob.

23
"Bakit Kalangita'y bingi Ka sa akin,
ang tapat kong luhog ay hindi Mo dinggin?
diyata't sa isang alipusta't iring,
sampung tainga mo'y ipinangunguling?

24
"Datapuwa't sino ang tatarok kaya
sa mahal Mong lihim, Diyos na dakila?
walang nangyayari sa balat ng lupa,
di may kagalingang Iyong ninanasa.

25
"Ay! di saan ngayon ako mangangapit!
saan ipupukol ang tinangis-tangis,
kung ayaw na ngayong dinigin ng Langit
ang sigaw ng aking malumbay na boses!

• Kabanata 1 ng Florante at Laura
• Florante at Laura Home

Kabanata 1 - Pasimula

FLORANTE AT LAURA
Awit ni: Francisco “Balagtas” Baltazar

Kabanata 1 – Pasimula

1
Sa isang madilim, gubat na mapanglaw,
dawag na matinik ay walang pagitan,
halos naghihirap ang kay Febong silang
dumalaw sa loob ng lubhang masukal.

2
Malalaking kahoy-ang ang inihahandog
pawang dalamhati, kahapisa't lungkot;
huni pa ng ibon ay nakalulunos
sa lalong matimpi't nagsasayang loob.

3
Tanang mga baging namimilipit
sa sanga ng kahoy ay balot ng tinik;
may bulo ang bunga't nagbibigay-sakit
sa kanino pa mang sumagi't malapit.

4
Ang mga bulaklak ng nagtayong kahoy,
pinakamaputing nag-uungos sa dahon;
pawang kulay luksa at nakikiayon
sa nakaliliyong masangsang na amoy.

5
Karamiha'y Cipres at Higerang kutad
na ang lilim niyon ay nakasisindak;
ito'y walang bunga't daho'y malalapad
na nakadidilim sa loob ng gubat.

6
Ang mga hayop pang dito'y gumagala,
karamiha'y Sierpe't Basilisco'y madla,
Hiena't Tigreng ganid na nagsisisila
ng buhay ng tao't daiging kapuwa.

7
Ito'y gubat manding sa pinto'y malapit
ng Avernong Reyno ni Plutong masungit;
ang nasasakupang lupa'y dinidilig
ng Ilog Cocitong kamandag ang tubig.

8
Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat,
may punong Higerang daho'y kulay pupas;
dito nagagapos ang kahabag-habag,
isang pinag-usig ng masamang palad.

9
Baguntaong basal na ang anyo't tindig,
kahit natatali-kamay paa't liig,
kundi si Narciso'y tunay na Adonis,
mukhang sumisilang sa gitna ng sakit.

10
Makinis ang balat at anaki'y burok
pilikmata'y kilay-mistulang balantok;
bagong sapong ginto ang kulay ng buhok,
sangkap ng katawa'y pawang magkaayos.

http://floranteatlaurastory.blogspot.com/

Sa Babasa Nito – Paunang Salita ni Balagtas

Sa Babasa Nito

1
Salamat sa iyo, O nanasang irog,
kung halagahan mo itong aking pagod;
ang tula ma'y bukal ng bait na kapos,
pakikinabangan ng ibig tumarok.

2
Kung sa biglang tingi'y bubot at masaklap,
palibhasa'y hilaw at mura ang balat;
nguni't kung namnamin ang sa lamang lasap,
masasarapan din ang babasang pantas.

3
Di ko hinihinging pakamahalin mo,
tawana't dustain ang abang tula ko;
gawin ang ibigi't alpa'y nasa iyo
ay huwag mo lamang baguhin ang berso.

4
Kung sa pagbasa mo'y may tulang malabo,
bago mo hatulang katkatin at liko,
pasuriin muna ang luwasa't hulo,
at makikilalang malinaw at wasto.

5
Ang may tandang letra alinmang talata,
di mo mawatasa't malalim na wika,
ang mata'y itingin sa dakong ibaba,
buong kahuluga'y mapag-uunawa.

6
Hanggang dito ako, O nanasang pantas,
sa kay Sigesmundo'y huwag ding matulad;
Sa gayong katamis wikang masasarap
ay sa kababago ng tula'y umalat.

http://floranteatlaurastory.blogspot.com/

Si Selya - Ikalawang Bahagi ng Florante at Laura

Ikalawang Salita

Si Selya

12
Parang naririnig ang lagi mong wika
"Tatlong araw na di nagtatanaw-tama,"
at sinasagot ko ng sabing may tuwa
"Sa isa katao'y marami ang handa."

13
Anupa nga't walang di nasisiyasat
ang pag-iisip ko sa tuwang kumupas;
sa kagugunita, luha'y lalagaslas,
sabay ang taghoy kong "O, nasawing palad!"

14
Nasaan si Selyang ligaya ng dibdib?
ang suyuan nami'y bakit di lumawig?
nahan ang panahong isa niyang titig
ang siyang buhay ko, kaluluwa't langit?

15
Bakit baga noong kami'y maghiwalay
ay di pa nakitil yaring abang buhay?
kung gunitain ka'y aking kamatayan,
sa puso ko Selya'y di ka mapaparam.

16
Itong di matiis na pagdaralita
nang dahil sa iyo, O nalayong tuwa
ang siyang umakay na ako'y tumula,
awitin ang buhay ng isang naaba.

17
Selya'y talastas ko't malabis na umid
mangmang ang musa ko't malumbay ang tinig;
di kinabahagya kung hindi malait,
palaring dinggin mo ang tainga't isip.

18
Ito'y unang bukal ng bait kong kutad
na inihahandog sa mahal mong yapak;
tanggapin mo nawa kahit walang lasap,
nagbuhat sa puso ng lingkod na tapat.

19
Kung kasadlakan man ng pula't pag-ayop
tubo ko'y dakila sa puhunang pagod;
kung binabasa mo'y isa mang himutok
ay alalahanin yaring naghahandog.

20
Masasayang Nimfas sa lawa ng Bai,
Sirenas, ang tinig ay kawili-wili,
kayo ngayo'y siyang pinipintakasi
ng lubhang mapanglaw na Musa kong imbi.

21
Ahon sa dalata't pampang na nagligid,
tonohan ng lira yaring abang awit
na nagsasalitang buhay ma'y mapatid,
tapat na pagsinta'y hangad na lumawig.

22
Ikaw na bulaklak niring dilidili,
Selyang sagisag mo'y ang M. A. R.
sa Birheng mag-ina'y ipamintakasi
ang tapat mong lingkod na si F. B.

http://floranteatlaurastory.blogspot.com/

Pag-aalay - Unang Bahagi ng Florante at Laura

Unang Salita

Kay Selya

1
Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang nangakaraang araw ng pag-ibig
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Selyang namugad sa dibdib

2
Yaong Selyang laging pinanganganiban,
baka makalimot sa pag-iibigan;
ang ikinalubog niring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.

3
Makaligtaan ko kayang di basahin,
nagdaang panahon ng suyuan namin?
kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?

4
Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang matira kundi ang pag-ibig,
tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib
hanggang sa libingan bangkay ko'y maidlip.

5
Ngayong namamanglaw sa pangungulila,
ang ginagawa kong pang-aliw sa dusa,
nagdaang panaho'y inaalaala,
sa iyong larawa'y ninitang ginhawa.

6
Sa larawang guhit ng sa sintang pinsel,
kusang inilimbag sa puso't panimdim
nag-iisang sanlang naiwan sa akin,
at di mananakaw magpahanggang libing.

7
Ang kaluluwa ko'y kusang dumadalaw
sa lansanga't nayong iyong niyapakan;
sa ilog Beata't Hilom na mababaw,
yaring aking puso'y laging lumiligaw.

8
Di mamakailang mupo ang panimdim
sa puno ng manggang naraanan natin;
sa nagbiting bungang ibig mong pitasin,
ang ulilang sinta'y aking inaaliw.

9
Ang katauhan ko'y kusang nagtatalik
sa buntunghininga nang ikaw'y may sakit,
himutok ko noo'y inaaring langit,
paraiso naman ang may-tulong silid.

10
Nililigaw ko ang iyong larawan
sa Makatang Ilog na kinalagian;
binabakas ko rin sa masayang do'ngan,
yapak ng paa mo sa batong tuntungan.

11
Nagbabalik mandi't parang hinahanap
dito ang panahong masayang lumipas:
na kung maliligo'y sa tubig aagap,
nang hindi abutin ng tabsing sa dagat.

http://floranteatlaurastory.blogspot.com/